My WAHM Journey Started Today, 1 Year Ago

Freelancing

“Di ako mag-ho-homebased. Di ko kaya sa bahay” 

Bukambibig ko yan nung una pa lang akong sinabihan ng kaibigan ko na try ko mag homebased job para mas tutok kay baby. 

Desidido akong kaya kong panindigan ang mga binitawan kong salita. Araw-araw akong gumigising ng 4am para mag ayos at humabol sa 5am na byahe ng nakaparadang UV Express sa amin. Gising na si baby ng ganoong oras at hinahatid nya ko sa gate. Patakbo na ko palagi kung pumunta sa van dahil nauubos ang aking oras kaka-paalam kay baby na ayaw tumigil sa pagpa-cute. 

Mommy Ely when she’s still working in the corporate.

6am dating ko sa opisina, diretso ako sa Lactation Room. Nag-a-almusal ako habang nag e-express ng milk.

7am simula na ko mag trabaho. Napakiusapan ko ang boss ko noon na magpalit ng shift to 7am-4pm para di ako maipit sa traffic at makauwi agad. 

Motor ang sinasakyan ko pauwi araw araw pauwi sa Cainta. Inaabot din ako ng P150-200 pamasahe pauwi. 6pm ang dating ko sa bahay. 

Kakaen ako agad dahil si baby 7pm sobra na kung umiyak dahil gusto na matulog. 8pm tulog na kami ni baby. Gigising kada 2-3 oras para patahanin sya. Gigising uli ng 4am para sa panibagong araw sa opisina.

Sa buong araw na nagtatrabaho ako, at mahigit 14 hours na nasa labas ako ng bahay, sa video chat na lang kami nag-ba-bonding ng anak ko. Ang asawa ko, Sabado at Linggo ko lang nakikita dahil night shift naman sya. Nasa parehong kumpanya at bahay kami pero lingguhan lang kami kung magkita. 

Sa loob ng 5 buwan, kinaya ko namang itawid ang araw araw. Hanggang sa nagpaalam ang taga-alaga ng anak ko na uuwi na sya ng probinsya. Tumira kami sa magulang ko sa loob ng 1 buwan dahil walang makuhang taga alaga. Sa panahong ito, napag isip isip ko na baka oportunidad ito para alagaan at tutukan ko ang anak ko. 

Mahirap ang naging desisyon kong ito. Isa akong out-going person, ambisyosa, career- driven, at hindi talaga napipirmi sa bahay. Ilang gabi akong di makatulog ng maayos kakaisip kung ano mangyayari sa career at personal growth ko kapag pinili ko ang manatili na lang sa bahay at mamuhay bilang isang tradisyonal na nanay. Nang bigla kong naisip na meron nga pa lang oportunidad sa freelancing. Aaminin ko, kung hindi siguro ako binigyan ng katiyakan ng kaibigan ko na tutulungan nya ako sa simula, ay baka hindi ako tumigil sa pagtatrabaho sa corporate. 

Ngayong araw na ito, ang pagka-isang taon ko nang iniwan ko ang corporate. Akala ko madali. Akala ko kaya ko. Akala ko di ako mahihirapan. Pero sa loob ng isang taon, puyat, pawis, luha, pagod ang pinuhunan ko. 

It was a 360 degrees turn of events para sa akin. Sabay sabay nangyari ang lahat- umalis ako sa poder ng magulang ko at nakisama sa pamilya ng asawa ko; ikinasal kami; nawalan ako ng office job; at naging full time work-at-home mom ako. Di ko mailalarawan ang naging karanasan ko sa isang salita. Sa mga panahong iyon, punong puno ako ng pag-aalala sa kinabukasan ko at ng pamilya ko, pressured ako na mapanindigan ang desisyon ko, pagod ang aking isip sa pagsubok kong sumabay sa bilis ng mga nangyayari, halos malunod na ako sa pagdududa sa aking sarili – sa pisikal at sa kaisipan, at puno ako ng mga tanong na puro “bakit”. Maraming beses akong umiyak at ginusto kong sumuko, at ang tanging paghinga ko lang sa lahat ng isipin kong ito ay ang pag uwi sa mga magulang ko minsan sa isang buwan, pagtawag sa mga kaibigan ko, kumpletong movie night kasama ang asawa ko, at ang pakikipaglaro sa anak ko. 

Hindi sapat ang salitang “mahirap” para sukatin ang tindi ng epekto ng aking mga naging desisyon sa kalusugang emosyonal, pangkaisipan, at pisikal ko.

“Ang dedikasyon ang pundasyon ng bawat desisyon.”

Ngunit kung babalik ako sa nakaraang taon at hindi ko ito ginawa, kung hindi ako nagtiwala sa kakayahan ko, at kung nagpadala ako sa mga sabi sabi, hindi ko masusubaybayan ang bawat unang natututunan ng anak ko, hindi ko makakasama ang asawa ko, hindi ako matututong magluto, hindi ko malalaman kung gaano kasarap at kahirap manatili sa bahay, hindi ko matutuklasan na maraming pwede matutunan sa freelancing industry, di ko makikita ang oportunidad na mas kuminta ng mas malaki, at hindi ko madidiskubre ang mga bago kong talento at ang aking sarili sa mas malalim na pananaw. 

Mommy Ely bonding with the boys

Ang bilis ng panahon. Hindi madali at hindi biro ang pagdadaanan. Kailangan mong ihanda ang buong pagkatao mo sa mga pagbabago. Ngunit masasabi kong sulit ang lahat at wala akong pinagsisisihan.

Wala kang sinasayang sa pagiging work-at-home mom, sa katotohanan – binibigyan mo ng mas maraming oportunidad ang sarili mo at ang pamilya mo.

Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumulong sa akin. Sa mga naging inspirasyon ko at sa mga naniwala na kakayanin ko.

Sabi nga nila, ang trabaho nandiyan lang yan, pero ang mga anak natin ay minsan lang bata. Ngayon nila tayo mas kailangan. Kaya sa mga may ganitong pinagdadaanan, malalampasan nyo iyan at magiging panibagong tao ka pagkatapos ng mga pagsubok. 

ABOUT THE AUTHOR

Mommy Ely started as a Facebook Marketing/ Lead Generation Assistant. She worked for HR as a specialist for 5 years. Now she is working for FHMoms as part of the admin team.

FOLLOW US, LIKE, and SHARE THIS POST:
error

(2) comments

Add Your Reply
error

Enjoy this blog? Please spread the word :)